Bílang panghuling aktibidad para sa Buwan ng Wikang Pambansa ngayong taon sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman, idinaos ng Sentro ng Wikang Filipino (SWF) ang “Paglulunsad at Paggawad 2023” noong nakaraang Miyerkoles, Agosto 30.
Tampok sa nasabing aktibidad ang inilunsad na mga bagong aklat sa ‘Aklatang Bayan’ at mga bagong isyu ng ‘Daluyan’ at ‘Agos’ Journal. Pormal ding inilunsad ang iba pang programa at proyekto ng SWF at kinilala ang mga nagkamit ng Gawad SWF.
Sa isang talumpati, pinahalagahan ni UP Diliman Chancellor Edgardo Carlo Vistan II ang kahalagahan ng Sentro sa pagtupad ng UP sa responsibilidad nito sa pagtaguyod at pag-aral sa wikang Filipino.
“Bilang isang akademikong institusyong tinitingala sa pagpapahalaga nito sa wika, sining, at kultura, mahalahga ang papel ng UP sa pamamagitan ng Sentro ng Wikang Filipino sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa,” sabi ni Vistan.
“Patunay ang lahat ng mga gawaing ito ng SWF na may dedikasyon ang UP Diliman na isulong ang wikang Filipino sa akademya,” dagdag pa niya.
Samot-saring mga libro, isyu ng journal, at mga programa at proyekto ang sabay-sabay na inilunsad.
Ginawaran din ang iláng may-akda para sa kanilang mga isinulat.
Mga librong inilunsad sa Aklatang Bayan
- “Lutong Bahay” ni Glecy Atienza
- “Palihang Rogelio Sicat Unang Antolohiya” na inedit nina Reuel Molina Aguila, Elfrey Vera Cruz-Paterno, Erick Dasig Aguilar, at Jimmuel Naval
- “Ganito sa Pabrika” ni John Romeo Venturero
Mga isyu sa Daluyan at Agos Journal
- Daluyan XVIII-1, 2022 na inedit nina Michael Francis Andrada at Carlos Piocos
- Daluyan XVIII-2, 2022″ na inedit nina Ma. Althea Enriquez, Crizel Sicat-De Laza, at Jayson Petras
- Agos Tomo III, 2022 na inedit nina Will Ortiz, Elyrah Salanga-Torralba, at Jayson Petras
Mga bagong programa at proyekto
- Sentro Filipino Website
- eTulay-Filipino
- Saliksikang Filipino Resource Center
- Gawad Saliksik at Gawad Teksbuk
Gawad SWF Pinakapopular na Lathala sa Aklatang Bayan Online
- “Si Alice sa Daigdig ng Hiwaga” na isinalin ni Aurora Batnag
Gawad SWF Pinakamahusay na Saliksik sa Daluyan Journal
- “Hulagway ng Yutang Kabilin sa mga Mapa mula sa Lumad Bakwit Iskul: Isang Panimulang Pag-aaral” ni Jose Monfred Sy
Gawad SWF Pinakamahusay na Akda sa Agos Journal
- Tula: “Tanawin mula sa aking Bintana,” “Ang Matanda sa Gilid ng Simbahan sa Likod ng SM North,” at “Hatinggabi ng Butiki sa Eskinita” ni Rowena Festin
- Maikling Kuwento: “Aliberde” ni Cris Lanzaderas
- Sanaysay: “Tapos, Pagkatapos, at ‘Di Maipadalang mga Liham” ni Roda Tajon
- Dagli: “Adobo” ni Alpine Moldez
Pagkilalang Hurado sa Agos Journal
- Dula: “Huni at Pakpak” ni Luna Sicat-Cleto
- Maikling Kuwento: “Ang Kuwento ng Kafir” ni Jimmuel Naval
- Sanaysay: “Pagtutuos” ni Elyrah Torralba
Isinagawa ang aktibidad sa Student’s Lounge ng UP Diliman Asian Institute of Tourism.