Patuloy ang pagkilala ng National Quincentennial Committee (NCQ) sa kahalagahan ng kababaihan sa pagbuo ng makulay na kasaysayan ng ating bansa.
Sa ikalawang bahagi ng “Webinar para sa 500 Years of Filipino Women’s Heroism,” binigyang atensyon ang mga nakuhang tagumpay ng mga Filipina na siyang naging tulay sa mahahalagang parte ng ating kasaysayan.
Pagdating ng mga Amerikano (1898)
Ayon kay Desiree Benipayo ng Philippine World War II Foundation, ang panahon ng mga Amerikano ang siyang naging pagkakataon para sa ating mga kababaihan para isulong ang gender equality.
“Some consider this era (American colonial period) an unfortunate turn in our history, one fact remains, it was during this period that women have taken the greatest strides in gender equality.” Sabi ni Benipayo.
Sa pagdating sa bansa ng mga Amerikano sakay ang barkong Thomas, nagtatag sila ng mga paaralan sa kapuluan para maturuan ang mga PIlipino.
Kaya ayon kay Benipayo, isa sa aspeto ng paglago ng kababaihan ng bansa ang pagkakaroon ng edukasyon.
Ipinaliwanag din ni Benipayo na sa panahon ng mga Kastila sa bansa, tanging “Maestral Elemental” pa lang ang nakalaan na diploma para sa ating kababaihan
Nang maitatag naman ang University of the Philippines taong 1908, ito ang unang pagkakataon ayon kay Benipayo na magkaroon ng University Education ang mga Filipina at taong 1926 naman nang buksan ng Pontifical University of Santo Tomas ang kanilang institusyon para sa mga babaeng mag-aaral.
Kinilala rin ang ambag ng kababaihan sa larangan ng Panitikan sa bansa sa parehong panahon.
“Women writers play a significant role in the proliferation of this genre, in fact, a woman named Paz Marquez Benitez holds the distinction of writing the first modern short story in English entitled “Dead Stars” in 1925,” paliwanag ni Benipayo.
Bukod kay Benitez, ilan sa mga kababaihan sa Panitikan ay sina Paz Latorena at Lorena Paras Sulit at Angela Manalang Gloria na pawang naging estudyante ni Paz Benitez.
Nandiyan din sina Magdalena Jalandoli gamit ang salitang Hiligaynon, Lina Espina Moore sa Cebuano at Trinidad Tarrosa Subido sa Tagalog.
“With higher education, women now can hold positions in fields which used to be exclusive for men,” giit ni Benipayo.
Pagsulong sa pagboto ng kababaihan
Taong 1922 naman nang itinatag ni Dr. Paz Mendoza Guazon ang La Liga Nacional de Damas de Filipinas para isulong ang karapatang bumoto ng kababaihan sa bansa, taong 1923 naman nang isama ng National Federation of Women’s Club o (NFWC) sa kanilang adyenda ang nabanggit na usapin sa pangunguna ni Sofia de Veyra.
Ilan din sa mga pro-suffrage groups na nabuo ng mga panahong iyon ay ang Philippine Association of University Women sa pangunguna ni Encarnacion Alzona at Pat Mendez at ang Women’s Citizen League sa pangunguna ni Maria Ventura.
At dahil sa maraming mambabatas na kalalakihan ang pabor sa pagboto ng kababaihan, pinakinggan ang kanilang panig sa constitutional convention ng 1935 Constitution.
Dahil dito, sa ilalim ng Article 5 ng 1935 Constitution, nagkaroon ng plebisito para sa pagboto ng kababaihan. Sa nasabing artikulo, dapat magkaroon ng tatlong daang libong boto ng kababaihan para ito ay maisakatuparan.
At sa patuloy na pagtutulungan ng mga kababaihan ng bansa, noong ika-30 ng Abril, 1937 nakakalap ng higit sa apatnaraang libong boto na pabor sa nasabing usapin at halos apatnapo’t apat na libo lang ang hindi sumang-ayon dito.
Panahon ng Hapon at ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig (1942-1945)
Ayon kay Benipayo, ang panahon naman ng pagdating ng mga Hapon sa bansa ang siyang naging dahilan para ang mga naging tagumpay ng kababaihan sa mga naunang panahon ay mahinto.
“Sadly, the second world war interrupted this progressive era,” paliwanag ni Benipayo.
Sa nasabing panahon, isa sa bawat sampung Pilipinong Gerilya ay mga kababaihan. Ilan sa mga tanyag na kababaihang Gerilya ay sina Valera “Yay” Panlilio, Sofia Gatil Tidon at Remedios Gomez ng Hukbalahap.
Ilan naman sa mga nagsilbing mensahera, espiya at saboteurs sa kaparehong panahon ay sina Josefina Guerrero, Magdalena Leones at Florence Ebersole.
Nandyan din sina Josefa Llanes Escoda at Lourdes “Lulu” Reyes na siyang nagsilbi ng mga pagkain sa mga gerilya at nagdala ng tulong sa mga kampo at Dr. Guedela Pablan, Nurse Lanot at Nurse Calvan na nagsilbi naman Nurses at Medic.
“The last century stood witness to great strides the Filipina had accomplished, carving her niche in society, she took advantage of every opportunity presented her, but at the same time, she was careful in navigating the still male-dominated society, mindful not to upset the traditional construct of the Filipino woman as homemaker, mother and wife. The Filipina brand of Activism is non-militant, far from their British counterpart who took to arson and bombing to further their cause. One reason for this is the Filipina’s Character though modern and educated, she still retained her grace and dignity,” konklusyon ni Benipayo sa programa.
Lagay ng kababaihan matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig
“Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, makikita po natin na tumaas ang partisipasyon ng mga Senador, marami na po tayong kababaihang mambabatas,” paliwanag ni Professor Valerie May Cruz-Claudio ng Ateneo de Manila University.
Ilan sa mga naging miyembro ng Mataas na kapulungan noong kahulihan ng 1940’s hanggang 1960’s ay sina Sen. Geronima Pecson, Sen. Pacita Paterno-Madrigal, Sen. Maria Kalaw-Katigbak, Sen. Eva Estrada-Kalaw, Sen. Magnolia Welborn-Antonino at Sen. Helena Z. Benitez.
Binanggit din ang patuloy na pagtindig ng kababaihan sa bansa sa panahon ng Martial Law hanggang sa EDSA Revolution kagaya nila Hilda Narciso, Eta Rosales at Judy Taguiwalo.
Sa panahon din iyon ay nakapagtala ng kauna-unahang babaeng Pangulo ng bansa—si Corazon Aquino at kauna-unahang babaeng Punong Mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman sa katauhan naman ni Cecilia Munoz-Palma.
Kinilala rin ang tagumpay ni Hidilyn Diaz bilang kauna-unahang Filipina Olympic Gold Medalist at Maria Ressa sa pagkamit nito ng Nobel Peace Prize for Journalism ngayong taon.
“Makikta po natin na talagang active participation ng kababaihan hindi lamang in the political sector, be it in sports, be it in Journalism, Arts and the Culture,” ani Professor Claudio.
“Nakakatuwang isipin na ang babae natin ay empowered, pero sana gamitin sa kabutihan,” mensahe naman ni Benipayo. DZUP