Kinumpirma ni presidential aspirant na si Senador Christopher “Bong” Go ang pagtakbo sa mataas na kapulungan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Inihain ng Pangulo ang kanyang kandidatura sa pamamagitan ni Atty. Melchor Aranas. Inihain ito, ilang sandali oras lang bago matapos ang araw ng paghahain ng kandidatura sa pamamagitan ng substitution.

“Kung ako lang tatanungin, ayaw ko rin na [vice president] ang i-file niya. Ayaw ko magkasakitan pa. Tama na ako na lang masaktan. Mataas respeto ko kay pangulo at kanyang pamilya,” paliwanag ni Go sa pamamagitan ng text message.

Tatakbo si Pangulong Duterte sa ilalim ng partidong Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS) na siya ring dadalhing partido ni Senador Go.

Pinalitan ng pangulo ang senatorial aspirant na si Liezel Visorde.

Matatandaan na sinabi na ng pangulo na mag-reretiro na ito sa larangan ng politika pagkatapos ng kanyang termino. DZUP