Tinapos na ni Presidential Daughter at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang matagal na paghihintay kung tatakbo nga ba siya sa mas mataas na posisyon sa Halalan sa susunod na taon.

Nitong Sabado, November 13, 2021 nang ihain ni Duterte-Carpio ang kanyang kandidatura sa pagka-bise presidente, sa pamamagitan ng kanyang kinatawan na si dating Presidential Commission on Good Governance Acting Chair Atty. Reynaldo Munsayac, sa ilalim ng partidong Lakas-CMD.

Pinalitan ni Sara ang “placeholder” ng partido sa pagka-VP na si Lyle Uy.

Sa kaparehong araw, sinabi ng kampo ni Presidential Aspirant Bongbong Marcos na kanilang iniindorso ang Alkalde bilang katambal nito ilang sandali matapos ihain nito ang kanyang kandidatura.

“Partido Federal ng Pilipinas (PFP) hereby indorses her candidacy as the  running mate  of the PFP’s official candidate for president of the Philippines [Former] Senator Ferdinand Marcos, Jr. in the 9 May 2022 national elections,” bahagi ng resolusyon ng nasabing partido.

Tatakbo rin sa susunod na halalan si Senador Christopher “Bong” Go bilang pangulo ng bansa matapos na umatras sa kanyang unang plano na pagtakbo bilang VP noon ding araw ng Sabado.

Sa isang pahayag, sinabi ng PDP-Laban na magsasanib-pwersa ang kanilang partido at ang partidong dadalhin ni Go na Partido ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan o (PDDS) para ikampanya ito.

Iginiit din ng partido na nakuha ng senador ang kanyang mayamang karanasan sa ilalim ng mentorship ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon naman kay Presidential Communications Operations Office (PCCO) Secretary Martin Andanar, maghahain ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) ang pangulo sa pamamagitan ng substitution ngayong huling araw (Lunes) ng pagpapasa ng pagbabago sa mga tatakbo sa susunod na halalan.

Umatras din sa kaparehong araw si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa pagtakbo nito sa pinakamataas na pwesto sa bansa. DZUP