Kinilala ng National Quincentennial Committee ang ambag ng kababaihan sa paghubog ng kasaysayan sa Pilipinas.
Sa unang bahagi ng webinar na 500 Years of Filipino Woman’s Heroism, inisa-isa ang mga tala kung saan makikita ang kanilang kwento.
Ayon kay UP Diliman Dean of College of Social Science and Philosophy Dr. Maria Bernadette Abrera, makikita na ang ating kababaihan sa pinakaunang dokumento sa bansa ang Laguna Copperplate Inscription sa katauhan ni Dayang Angkatan noong 900 AD.
“In our very first historical document, there is a woman and she has a very particular and important role, but what is that role? she represents her clan, she represents her family,” ani Dr. Abrera.
Kwento pa ni Dr. Abrera, sila rin ay makikita sa kwento ni Pigafetta noong 1521 sa binyag ni Humabon at Reyna nito.
“Actually, the women are there except that maybe we did not ask enough questions prior to this generation, we did not ask enough questions about women and what women are doing,” paliwanag ni Dr. Abrera sa webinar.
Sa panahon naman ng rebolusyon, marami ring kababaihan sa bansa ang naitala sa kasaysayan.
Nandiyan sina Gregoria Montoya, Bernarda Tagalog, Trinidad Tecson, Agueda Kahabagan, Patrocino Gamboa, Teresa Magbanua at Nazaria Lagos.
Ilan naman sa mga babaeng pilantropong nabanggit sa nasabing panahon ay sina Melchora Aquino o mas kilala sa tawag na Tandang Sora, Trinidad Famy at Hilaria del Rosario, ina at asawa ni dating Pangulong Emilio Aguinaldo.
Kinalala rin ang Kababaihan ng Malolos na nagtatag ng samahang Asociacion Filantropico de la Cruz Rojo na layuning mag-likom ng pondo at iba pang pangangailangan para sa mga sugatan na sundalo at biktima ng digmaan.
Ayon kay Dr. Maria Luisa Camagay, Presidente ng Philippine Historical Commission, naimpluwensiyahan ng himagsakan ang kababaihan dahil lumawak ang mundo nito sa mas malaking tahanan—ang Inang Bayan.
Namulat rin aniya ang kanilang kakayahang manandata, magmobilisa ng mga kabaro para tumulong sa mga kawal ng bayan at kakayahang magpalakas ng damdaming lumaban sa pamamagitan ng paglikha ng tula.
“Ang palagay ko ay dapat may deliberate mainstreaming on the part of teacher to include the women. So parang mas nagiging pantay, kumpleto comprehensive. Women were autonomous, they had their own power,” mensahe naman ni Dr. Camagay sa webinar.
Ang ikalawang bahagi ng 500 Years of Filipino Woman’s Heroism ay magaganap sa ika-25 ng Nobyembre. Dito, itatalakay nina Desiree Benipayo ng Philippine World War II Foundation at ni Prof. Valerie May Cruz-Claudio ng Ateneo de Manila Department of History ang papel ng mga kababaihan sa kabayanihan ng ikalawang digmaang pandaigdig at ang mga kontemporaryong kababaihan na karapat-dapat tularan. DZUP