Kinondena ng UP Office of the Student Regent o (UP OSR) ang pagkawala ng isang dating mag-aaral ng UP na si Steve Abua sa lalawigan ng Pampanga.

Ayon sa OSR, parte anila ng malawakang crackdown ng Pangulong Rodrigo Duterte sa mga ordinaryong Filipino ang pagkawala ni Abua.

Sa kanilang pahayag, si Abua ay aktibong Iider-estudyante na nakikilahok sa mga usaping pangmasa noong nag-aaral ito sa Pamantasan. 

Ayon pa sa pahayag ng nasabing opisina, bandang alas-dos ng hapon ng November 5 ng dukutin ang alumni ng UP Diliman sa Barangay Sta. Cruz, Lubao, Pampanga.

Dahil dito, kaisa aniya ang kanilang opisina sa mga konseho ng mga mag-aaral sa UP at Central Luzon Human Rights Organization sa pag-apela sa Sta. Cruz, Lubao, Pampanga LGU na matulungan ang mga kaanak ng 34 anyos na si Abua na mahanap ito.

Samanatala, ayon naman sa Pampanga Provincial Police Office, wala pang kaanak ni Abua ang lumalapit sa kanila upang magsampa ng pormal na reklamo sa pagkawala nito.

Nananawagan din sila sa publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon sa pinakamalapit nilang tanggapan patungkol dito.

Nakikipag-ugnayan naman na sila sa iba pang tagapagpatupad ng batas kaugnay sa nasabing insidente. DZUP