Makalat, mausok, walang gaanong mga punò—ganiyan kung ilarawan ng marami ang Kamaynilaan. Pero, may iláng pook sa Metro Manila na maituturing na luntiang paraiso na tahanan ng mga halaman at háyop. Isa sa mga lugar na iyan ang Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman.
Sa pampublikong espasyo tulad ng UP Diliman na may lawak na higit sa 400 ektarya, puwedeng pumasok ang sinoman upang mamasyal at makapagpahinga sa píling ng samot-saring uri ng flora at fauna.
Bílang bahagi ng pagdiriwang ng Diliman Arts and Culture Festival 2024 at sa tulong ng grant na ibinigay ng UP Diliman Office for Initiatives in Culture and the Arts (OICA), gumawa ng serye ng mga multimedia content na pinamagatang Liwanag ng Diliman ang campus radio na DZUP patungkol sa repleksiyon nitó sa temang “Pamamalagi at Pamamahagi” na nakatuon sa paggunita sa ika-75 taon ng paglilipat ng Oblation sa Diliman, Quezon City mulâ Ermita, Manila.
Tampok sa ikalawang episode ng Liwanag ng Diliman na pinamagatang “Luntian sa Diliman” ang Unibersidad bílang green oasis. Tinalakay sa dokumentaryong itó kung ano-anong mga nilalang at tanawin ang matatagpuan sa loob ng kampus at kung paano silá pinapangalagaan at pinoprotektahan ng Unibersidad at mga katuwang nitó.
Inikot ng DZUP ang loob ng UP Institute of Biology (IB) Threatened Species Arboretum, anyong tubig sa lígid ng UP Institute of Mathematics, UP Impounding Lagoon, at UP Lagoon upang ipakita ang lagay ng ecosystem sa loob ng kampus.
Sa UP Lagoon, halimbawa, matatagpuan ang mga pamilya at magkakaibigan na piniling sa UP Diliman hanapin ang pahinga dahil sa anila’y kapayapaang hatid ng Unibersidad sa gitna ng siyudad.
Sa loob naman ng UP IB Arboretum, masasaksihan ang sari-saring uri ng punò gaya ng bolongeta (Diospyros pilosanthera) na isang indigenous species o natural na tumutubo sa bansa. Ayon kay UP Biology Professor Lillian Rodriguez, interesante ang naturang punò dahil sa katutubong paniniwala na may kakayahan itong tuparin ang mga hilíng ng mga bumubulong dito.
Abangan ang ikalawang episode ng OICA-funded program na itó sa Hulyo 31, 2024 sa DZUP Facebook page at YouTube channel. — kasáma ang ulat ni Rex Espiritu